Martes, Mayo 3, 2011

Ang KURUS sa Manggagawa at Iba Pang Tula

Ang KURUS sa Manggagawa at Iba Pang Tula
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Kapansin-pansin ang kaibahan ng ispeling ng salitang "kurus" noon sa ginagamit na "krus" ngayon. Dati, ito ay dalawang pantig, ngunit ngayon, ito'y isang pantig na lamang. Marahil ay literal na isinalin ito ng mga bagong manunulat mula sa salitang Ingles na "cross" na isa rin lang pantig. O kaya naman ay nagmula na ito sa sugal na kara krus.

Nang nagsaliksik ako sa internet ng tulang Manggagawa ni Jose Corazon de Jesus upang muling ilathala sa pahayagang Obrero o sa pahayagang Ang Sosyalista para maipalaganap sa mga manggagawa, napansin kong nagkulang ng isang pantig ang ika-12 taludtod ng tula. Kaya agad kong sinaliksik ang mismong aklat, at napansin kong ang ispeling ng "krus" sa internet ay "kurus" sa orihinal. Mali ang pagkakakopya ng mga hindi nakakaunawa sa tugma't sukat sa panulaang Pilipino, basta kopya lang ng kopya, at hindi nagsusuri, na may patakarang bilang ang bawat taludtod. Kahit nang ginawa itong awit ay binago na rin ito't ginawang krus.

Ang tulang Manggagawa ay binubuo ng labing-anim na pantig bawat taludtod, at may sesura (hati ng pagbigkas) tuwing ikawalong taludtod.

MANGGAGAWA
ni Jose Corazon de Jesus

Bawat palo ng martilyo / sa bakal mong pinapanday
alipatong nagtilamsik, / alitaptap sa kadimlan;
mga apoy ng pawis mong / sa Bakal ay kumikinang
tandang ikaw ang may gawa / nitong buong Santinakpan
Nang tipakin mo ang bato / ay natayo ang katedral,
nang pukpukin mo ang tanso / ay umugong ang batingaw
nang lutuin mo ang pilak / ang salapi ay lumitaw,
si Puhunan ay gawa mo / kaya ngayo'y nagyayabang.
Kung may ilaw na kumisap / ay ilaw ng iyong tadyang,
kung may gusaling naangat, / tandang ikaw ang pumasan
mula sa duyan ng bata / ay kamay mo ang gumalaw
hanggang hukay ay gawa mo / ang kurus na nakalagay.
Kaya ikaw ay marapat / dakilain at itanghal
pagkat ikaw ang yumari / nitong buong Kabihasnan.
Bawat patak ng pawis mo'y / yumayari ka ng dangal
dinadala mo ang lahi / sa luklukan ng tagumpay.
Mabuhay ka ng buhay na / walang wakas, walang hanggan,
at hihinto ang pag-ikot / nitong mundo pag namatay.
- mula sa aklat na Jose Corazon de Jesus: Mga Piling Tula, pahina 98

Inulit din ng makatang Jose Corazon de Jesus sa isa pa niyang tula ang pagkakagamit sa salitang "kurus".

Sa isang mahaba at dating kalsada
ang kurus sa Mayo ay aking nakita.
O, Santa Elena!
Sa buhok, mayroong mga sampagita;
sa kamay may kurus siyang dala-dala
ubod po ng ganda.
- unang saknong ng tulang Gunita sa Nagdaang Kamusmusan mula sa aklat na Jose Corazon de Jesus: Mga Piling Tula, pahina 91

Kurus din ang ginamit ng kilalang manunulat, nobelista, makata at dating bilanggong si Gat Amado V. Hernandez, na naging Pambansang Alagad ng Sining noong 1973.

ANG PANAHON
ni Gat Amado V. Hernandez

Kurus na mabigat / sa ayaw magsakit
ligaya sa bawa't / bihasang gumamit;
pagka ang panaho'y / lagi nang katalik
ay susi sa madlang / gintong panaginip.
- ikawalong saknong ng 16 na saknong na tulang Ang Panahon ni Gat Amado V. Hernandez, mula sa aklat na Amado V. Hernandez: Tudla at Tudling, pahina 370

Iba naman ang ginamit na ispeling ni Gat Amado V. Hernandez sa 5 saknong niyang tulang Ang Kuros, mula rin sa aklat na Amado V. Hernandez: Tudla at Tudling, pahina 159. Gayunman, dalawang pantig pa rin ang salitang iyon.

Tunghayan naman natin ang tula ng dalawa pang kilalang makata nang bago pa lusubin ng Hapon ang bansa. Tulad ng tulang Gunita sa Nagdaang Kamusmusan at Ang Panahon, ito'y lalabindalawahing pantig din sa bawat taludtod at may sesura sa ikaanim na pantig bawat taludtod.

ANG LUMANG SIMBAHAN
ni Florentino T. Collantes

Sa isang maliit / at ulilang bayang
pinagtampuhan na / ng kaligayahan
ay may isang munti / at lumang simbahang
balot na ng lumot / ng kapanahunan.
Sa gawing kaliwa / may lupang tiwangwang
ginubat ng damo't / makahiyang-parang.
Sa dami ng kurus / doong nagbabantay
makikilala mong / yaon ay libingan.
- unang saknong ng 17 saknong na tulang Ang Lumang Simbahan, mula sa aklat na Ang Tulisan at Iba Pang Talinghaga ni Florentino T. Collantes, pahina 167

TATLONG KURUS SA GOLGOTA
ni Teo S. Baylen

Ikaw, ako't Siya / ang kurus sa Bundok,
Isa'y nanlilibak, / nanunumpang lubos;
Isa'y nagtitikang / matapat at taos,
At nagpapatawad / ang Ikatlong Kurus!
- mula sa aklat na Tinig ng Darating at iba pang tula ni Teo S. Baylen, pahina 53

Marami pang makata noong panahon bago manakop ang Hapon ang sa palagay ko'y ganito nila binabaybay ang salitang "kurus". Gayunman, marahil ay sapat na ang ipinakitang halimbawa ng apat na makata upang maunawaan nating "kurus" na dalawang pantig at hindi "krus" ang pagbaybay ng mga makata noon ng salitang iyon.

Kaya napakahalagang maunawaan ng sinuman, lalo na kung kokopyahin ang mga tula ng mga sinaunang makata para ipalaganap, na may patakaran sa panulaang Pilipino na tugma't sukat (may eksaktong bilang ang bawat pantig), bukod pa sa talinghaga't indayog. Bagamat sa ngayon ay may mga tulang malayang taludturan dahil sa pag-aaklas ng mga bagong makata sa tugma't sukat at paglaganap ng modernismo sa panulaan, dapat maunawaang iba ang pagkabaybay at bilang ng pantig ng mga salita noon at ngayon, at hindi natin ito basta-basta na lang binabago.

Lunes, Mayo 2, 2011

Hindi Bakasyon ang Mayo Uno

HINDI BAKASYON ANG MAYO UNO
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Marami akong mga kakilala na nag-aanyaya sa akin sa mga lakaran, o kaya’y magbakasyon, o sa anumang aktibidad dahil holiday daw ang Mayo Uno. Totoo ngang idineklarang holiday ang Mayo Uno bawat taon pero hindi ibig sabihin nito na bakasyon na tayo. Holiday ang Mayo Uno dahil ginugunita natin ang isang araw bawat taon bilang Pandaigdigang Araw ng Paggawa.

Hindi bakasyon ang Mayo Uno pagkat mahigit labinlimang taon ko nang ginugunita ang Mayo Uno kasama ang mga manggagawa, at hindi ako nagbabakasyon sa araw na ito dahil sa dami ng gawain ditto. Nakapagpapahinga o nakapagbabakasyon lamang ako, pati ang aking mga kasama, sa ibang araw maliban sa Mayo Uno, kung paanong abala rin kami sa iba pang holiday tulad ng Araw ni Gat Andres Bonifacio (Nobyembre 30) at Pandaigdigang Araw ng Kababaihan (Marso 8). Bilang pagkilala sa kababaihan sa malaking ambag nito sa lipunan, hindi lamang mga babae ang dapat gumunita nito kundi mga kalalakihan din, paggunita rin ito sa ating inang nagluwal sa atin. Ang holiday na nakapagbabakasyon lamang ako, at ng aking mga kasama, ay ang Hunyo 12, pagkat hindi kami naniniwalang ito’y tunay na kalayaan, kundi pekeng kalayaan ayon sa mga dokumento ng kasaysayan. Ayon sa Acta de Independencia na nilagdaan noong Hunyo 12, 1898, lumaya ang Pilipinas mula sa Kastila upang magpailalim sa “mighty and humane American nation”.

Hindi bakasyon ang Mayo Uno pagkat halos isang buwan din naming pinaghahandaan ang birthday na ito ng mga manggagawa, na siyang gumagawa ng ekonomya ng bansa. Kung walang manggagawa, tatakbo ba ang mga pabrika, mabubusog ba ang mga mayayaman, tutubo ba ng limpak-limpak ang mga kapitalista, uunlad ba ang bansa. Mabubuhay ang lipunan kahit walang kapitalista ngunit hindi mabubuhay ang lipunan kung walang manggagawa.

Hindi bakasyon ang Mayo Uno pagkat sa sagradong araw na ito para sa mga manggagawa ay inaalala natin ang mga sakripisyo ng mga martir na manggagawang namatay sa Haymarket Square sa Chicago, Illinois noong Mayo 4, 1886, (ang ikaapat na araw ng welga) para ipaglaban ang pagsasabatas ng walong oras na paggawa bawat araw. Noong Oktubre 1884, isang kumbensyon ang ginanap ng Federation of Organized Trades and Labor Unions (FOTLU) sa Amerika at Canada at napagpasyahang sa Mayo 1, 1886 ay isabatas ang walong oras na paggawa bawat araw. Noong panahong iyon, labindalawa hanggang labing-anim na oras ang paggawa bawat araw. Noong Mayo 1, 1886, isang malawakang welga sa buong Amerika ang isinagawa ng mga manggagawa bilang pagsuporta sa kahilingang walong oas na paggawa bawat araw. May 10,000 manggagawa ang nagrali sa New York; 11,000 sa Detroit; 10,000 sa Wisconsin, at 40,000 manggagawa sa Chicago na siyang sentro ng kilusang ito. May hiwalay pang welga sa Chicago ang may 10,000 manggagawa sa kakahuyan, habang may 80,000 katao naman ang sumama sa welga sa Michigan Avenue. Ang tinatayang sumatotal ng lahat ng nagwelga ay nasa 300,000 hanggang kalahating milyon. Noong Mayo 3, nagkagulo sa Chicago nang inatake ng mga pulis ang mga manggagawang welgista malapit sa planta ng McCormich Harvesting Machine Co., kung saan apat ang namatay at marami ang nasugatan.

Dahil sa nangyaring ito, noong Mayo 1, 1889, hiniling ng American Federation of Labor sa unang kongreso ng Ikalawang Internasyunal na Kilusang Manggagawa sa Paris, France, na isagawa ang isang pandaigdigang welga sa Mayo 1, 1890 para sa walong oras na paggawa. Ito’y inayunan naman ng mga kinatawan ng mga kilusang paggawa mula sa iba’t ibang bansa. Ang ikalawa pang layunin nito ay upang gunitain ang alaala ng mga martir na manggagawang nakibaka para sa walong oras na paggawa na namatay sa Haymarket Square sa Chicago, Illinois. Maraming gumunita at kumilala sa Mayo 1, 1890 bilang Pandaigdigang Araw ng Paggawa, kasama na ang iba pang bansa, kabilang ang dalawampu’t apat na lunsod sa Europa, bansang Cuba, Peru at Chile.

Hindi bakasyon ang Mayo Uno pagkat kailangan nating ipagdiwang at kilalanin ang sakripisyo ng mga manggagawa sa buong daigdig, at tayo’y makiisa sa lahat ng manggagawa sa mundo para sa pagbabago ng lipunan, kapayapaan, at pagkakapantay-pantay ng lahat. Sa ating bansa, ang unang pagdiriwang ng Mayo Uno ay noong 1903 nang isinagawa ng 100,000 manggagawa sa pamumuno ng Union Obrera Democratica de Filipinas (UODF). Idinaos ito sa MalacaƱang kung saan isinisigaw ng mga manggagawang Pilipino na “Ibagsak ang imperyalismong Amerikano!”

Hindi bakasyon ang Mayo Uno pagkat marami pa tayong dapat gawin upang tiyaking ang lipunang itong kinatatayuan natin ngayon ay tiyakin nating mabago para sa kapakinabangan ng lahat, lalo na ng mga susunod na henerasyon, at hindi ng iilan lamang. Sa ngayon, ang mga manggagawa’y nagiging biktima ng salot na kontraktwalisasyon, o five-months, five-months contract, imbes na dapat ay maging regular na siyang manggagawa. Laganap ang kaswalisasyon at agensy employment upang mapanatiling mababa ang sahod ng manggagawa, imbes na sundin ang living wage provision na nakasaad sa Konstitusyon, at alisan ng batayan ang mga manggagawa sa kanilang karapatang mag-unyon. Winawasak naman ang mga nakatayo nang union sa pamamagitan ng retrenchment, closures o pagpataw ng Assumption of Jurisdiction (AJ) at madeklarang ilegal ang mga welga ng manggagawa. Ang mga regular na manggagawa ay pinapalitan ng mga batang kontraktwal o agency employees na walang mga benepisyong tulad ng regular na manggagawa. At kapag nasa edad na ng 25-taon pataas, over-age na, pahirapan nang makapasok sa pabrika o trabaho. Tulad ng mga naunang gobyernong umiral sa bansa, mas nakatuon ang mga programa’t patakaran ng bansa sa pagsasakatuparan ng mga dikta ng WTO-IMF-World Bank upang pangalagaan ang interes ng uring kapitalista. Sa pamamagitan ng mga polisiyang ito, nagkukumpetensya ang mga kapitalista sa pagpiga sa lakas-paggawa ng mga manggagawa sa pamamagitan ng murang pasahod o murang presyo ng lakas-paggawa.

Hindi bakasyon ang Mayo Uno pagkat dapat nang mamulat ang mga manggagawa sa kanilang mapagpalayang papel sa lipunan. Hindi malaman ng manggagawang Pilipino, pati na mga kababayang maralita, kung saan kukuha ng pandugtong ng ikabubuhay kinabukasan. Halos trenta porsyento (30%) ang itinaas ng presyo ng pangunahing produkto tulad ng bigas at langis sa mga nagdaang buwan, habang nananatiling mababa ang sahod ng mga manggagawa. Ngunit mas kalunus-lunos ang kalagayan ng mga walang pinagkukunan ng regular na hanapbuhay. Hindi pa tapos ang laban ng manggagawa pagkat patuloy pa silang inaalipin ng capital. Panahon nang magkaisa ang uring manggagawa at itayo ang kanilang sariling gobyerno. Workers control!!!

Ikaw, magbabakasyon ka pa ba tuwing Mayo Uno? Halina’t sa Mayo Uno ng bawat taon, ating kilalanin ang kadakilaan ng uring manggagawa sa buong daigdig. Halina’t sumama sa mga pagtitipon ng mga manggagawa sa Mayo Uno, makipagtalakayan sa kanila, at ipaglaban ang ating mga karapatan.

Manggagawa sa lahat ng bansa, magkaisa! Walang mawawala sa inyo kundi ang tanikala ng pagkaalipin!