MAGLULUPA
isa lamang akong abang maglulupa
sa pakikibaka'y laging nakahanda
walang pamasahe? lalakaring sadya!
upang makausap ang kapwa ko dukha
aking sasabihin doon sa pabrika:
"nililikha ninyo ang ekonomiya
nitong ating bansa subalit kaymura
ng sahod pambuhay sa inyong pamilya!"
at ang kapwa dukha ay pagsasabihan:
"karapatang sadya ang paninirahan
kaya demolisyon ay inyong labanan,
at maging matatag sa paninindigan!"
sa piniling buhay, hindi na humindi
kahit katawan ko'y magkabali-bali
pagbaka'y patuloy, matortyur mang muli
kahit na sa laban, ako pa'y masawi
at sasabihin mo, "wala kang pangarap
kaya hanggang ngayon, ika'y naghihirap"
ikako, "ang aking puso'y nag-aalab
nang sistemang bulok, tuluyang mawasak!
- gregoriovbituinjr.
08.29.2026





















































