Martes, Oktubre 29, 2019

Pagtakbo sana bilang pangulo ng unyon

noong matanggap sa pabrika ako'y binatilyo
nag-operador ng makina sa departamento
tatlong taon doon bilang regular na obrero
nagtatrabaho nang maging batas ang Herrera Law

balak ko rin noong tumakbong pangulo ng unyon
tiyo ko sa ibang kumpanya'y natunugan iyon
bago ko mapasa ang kandidatura ko roon
aba, tiyo ko'y pinainom ako't pinalamon

pinigilan akong maghanda sa kandidatura
dahil siya'y manager sa kapatid na kumpanya
magtrabaho lang ako't huwag daw mag-unyunista
at baka makasira ako sa ugnayan nila

trabaho ko'y sa Alabang, ang tiyo'y nasa Taytay
sayang na pagkakataon ang aking naninilay
alauna ng hapon nagising sa kanyang bahay
di ko na nahabol ang kandidatura kong tunay

bise presidente ko sana ang siyang nanalo
nagkaroon ng halalan, siya'y naging pangulo
ilang buwan pa, at nag-resign ako sa trabaho
upang bumalik sa paaralan, nagkolehiyo

tatlong taong machine operator, aking gunita
tatlong taon ding naging regular na manggagawa
paano kung nanalo't anong aking magagawa
bilang pangulo ng unyong may prinsipyo't adhika

- gregbituinjr.

Lunes, Oktubre 28, 2019

Huwag asahan ang ibang uri

may kongresista kayang magsasabing tatlong buwan
imbes dalawang taon ang probi sa pagawaan?
may senador kayang obrero yaong kakampihan
o senado na'y nakain ng sistemang gahaman?

pangitain o pag-asa bang ito'y mangyayari?
umaasa sa ibang uri? aba'y anong silbi?
wala ba tayong gagawin kundi manggalaiti?
na gawa lang nila'y para sa kanilang sarili?

manggagawa ang magpapalaya sa manggagawa
sa kapitalismo, obrero'y di basta lalaya
dapat nilang ibagsak ang sistemang mapanira
pagtatag ng sosyalismo'y dapat nilang ihanda

manggagawa, huwag mong asahan ang ibang uri
lalo't uring ang asam ay pribadong pag-aari
sa kongkretong kalagayan dapat kayong magsuri
at magkaisa upang ibagsak ang naghahari

- gregbituinjr.

Linggo, Oktubre 27, 2019

Magsuri at lumaban

paano ba gumagapang sa lusak ang magulang
paanong pag-aaral ng anak ay ginagapang
paano bang dinudurog ang mga salanggapang
paano ba sa pag-ibig ang puso'y nadadarang

mga obrero'y biktima ng kontraktwalisasyon
ang taumbayan ay biktima ng globalisasyon
ang magsasaka'y biktima ng rice tarrification
sa mga problema't isyu, masa'y ibinabaon

kongkretong pagsusuri sa kongkretong kalagayan
na sa samutsaring isyu't problema'y panuntunan
kaya kailangan ang pagbubuo ng samahan
upang makatulong sa pagbabago ng lipunan

tayong aktibistang Spartan, anong dapat gawin
dapat tayong magkaisa sa iisang layunin
uring manggagawa'y patuloy na organisahin
at itayo ang lipunang nararapat sa atin

- gregbituinjr.

Huwebes, Oktubre 24, 2019

Kung langgam ang manggagawa, sino naman ang anay?

Magkaparehong itsura, magkaiba ng kulay
Ang isa'y kaysipag, ang isa'y mapanirang tunay
Kung langgam ang manggagawa, sino naman ang anay?
Ang kapitalista o ang eskirol ang kaaway?

Sa welga, may mga eskirol at may unyonista
Ang pamamalakad ba sa pabrika'y may hustisya?
Lulupigin daw ng eskirol ang mga nagwelga
Aklasang may itinayong piketlayn sa pabrika

Nagwelga ang manggagawa para sa katarungan
At karapatang pantao doon sa pagawaan
Nakikibaka upang welga'y mapagtagumpayan
Gutom man ang abutin sa welga'y tuloy ang laban

Anay na mapanira ba'y sadyang sa uri'y taksil?
Nanonood lang habang karapata'y kinikitil!
Anay na mapangwasak ay paano mapipigil?
Yamang anay na ito sa kapwa nila'y sumiil

- gregbituinjr.

Martes, Oktubre 22, 2019

DOLE, magsilbi sa manggagawa, di sa kapitalista!

panawagan ng manggagawa sa DOLE'y kaybangis
sapagkat manggagawa'y sagad na sa pagtitiis
mga karapatan nila'y lagi nang tinitikis
turing sa kanila'y makina't sila'y tinitiris

mensahe ng obrero sa DOLE sa rali nila:
"aba'y DOLE, ikaw ang sa manggagawa'y ahensya
obrero'y pagsilbihan mo, di ang kapitalista
kaming mga obrero'y iyong bigyang importansya"

sa tawag ng kapitalista, kaybilis ng DOLE
bibigyang importansya ang anumang insidente
pag sa kapitalista, DOLE'y kaybilis magsilbi
marahil, dahil kapitalista'y may pera kasi

aba'y DOLE, di ba't kawanihan ka ng paggawa
kaya magsilbi ka naman sa mga manggagawa
huwag mong hayaang ang obrero'y kinakawawa
dapat kang buwagin kung sa iyo'y walang mapala

- gregbituinjr.
* Nilikha ng makata sa rali ng PAGGAWA (Pagkakaisa ng Uring Manggagawa) sa harapan ng DOLE sa Intramuros, Maynila, Oktubre 22, 2019. Ang mga litrato'y kuha ng may-akda






Lunes, Oktubre 21, 2019

Pagpapakatao'y di uso sa kapitalismo

sintigas ng panga ng tigre ang kanilang mukha
na tingin lagi sa manggagawa't dukha'y kaybaba
na walang dignidad ang pagkatao, hampaslupa
na laging mabibiling mura ang lakas-paggawa

kinikita lang ang mahalaga sa mga ito
may laksa-laksang tubo at pag-aaring pribado
mawasak man ang kalikasan, may gintong matamo
animo'y mga bato ang puso sa kapwa tao

turing sa manggagawa'y di tao kundi makina
kontraktwal o regular ay gastos lang sa kumpanya
ganyan mag-isip ang negosyante't kapitalista
tanging tutubuin ang sa kanila'y mahalaga

tao pa rin ba ang ganyang mga uri ng tao
di mahalaga ang pagkatao kundi negosyo
ganyan umiiral ang lipunang kapitalismo
pera ang umiikot, nagsasalita sa iyo

pagpapakatao'y di uso sa sistemang bulok
naghahari ay pera lang hanggang doon sa tuktok
kinikilala'y ginto't salapi ng utak-bugok
kaya sa lipunang kapitalismo, masa'y lugmok

- gregbituinjr.

Sabado, Oktubre 12, 2019

Ang pagtula ko sa rali'y alay sa uri't bayan

ang pagtula ko sa rali'y alay sa uri't bayan
kung may mag-iimbita, agad kong pauunlakan
kaya aaralin ang isyu't pagtingin ng tanan
mga isyu't tindig ay itutula sa lansangan
ipakikitang naaapi'y kakasa sa laban

kaya bukas akong anyayahan upang tumula
sa iba't ibang pagkilos ng manggagawa't dukha
anumang isyu, tubig, kuryente, sweldong kaybaba
karapatang pantao, tokhang, utang, klima, baha
pagsasamantala sa masa ng trapong kuhila

pagtula na ang isa sa niyakap kong tungkulin
susuriin ang sistemang ating kakabakahin
kakatha, titindig, sa bawat isyung kaharapin
kabulukan ng sistema'y ating tutuligsain
bawat tula'y may tindig, sa lansangan bibigkasin

sa bawat tula, nais kong bigyang-sigla ang masa
upang magmulat, magpakilos sa isyu't problema
upang labanan ang sistemang mapagsamantala
anyayahan nyo ako sa bawat raling ikasa
at asahan nyong di kayo bibiguin, kasama

- gregbituinjr.

Linggo, Oktubre 6, 2019

Halina't ating itaas ang kaliwang kamao!

Halina't ating itaas ang kaliwang kamao!
Habang inaalala ang niyakap na prinsipyo
Habang ninanamnam ang pangarap na sosyalismo
Habang inoorganisa ang maraming obrero
Habang inaawit yaong 'Lipunang Makatao'

Kaliwang kamao'y sabay-sabay nating itaas!
Habang unyon ng manggagawa'y nagsisipag-aklas
Habang nasa diwa'y inosenteng batang inutas
Habang tinotokhang ng walang proseso ang batas
Habang problema ng bansa'y paano nilulutas

Halina't kaliwang kamao'y itaas na natin!
Habang hinahanap ang lamok na dapat purgahin
Habang yema'y iniisip paano babalutin
Habang libag sa singit ay paano hihiludin
Habang butas na medyas ay paano susulsihin

Kuyom ang kamaong itaas natin ang kaliwa!
Habang inoorganisa ang uring manggagawa
Habang magbubukid ay nag-aararo ng lupa
Habang sinusuri paano aalpasan ang sigwa
Habang binabagsak ang sistemang kasumpa-sumpa

- gregbituinjr.

Sabado, Setyembre 28, 2019

Di maaaring buhay nati'y laging nasa piging

di maaaring buhay nati'y laging nasa piging
dahil tayo'y tagumpay sa ating napiling sining
na pulos ginto't mayayaman ang laging kapiling
ang luho'y balewala sa ating burol at libing

kung yumaman ka lang dahil sa pagsasamantala
ano ka? walang budhing mapang-api't mapangdusta?
binarat ang sahod ng manggagawa sa pabrika
pinagtrabaho ang obrero tulad ng makina

dahil sa pribadong pag-aari'y binalewala
ang pagpapakatao't pakikitungo sa madla
masisipag na dukha'y tinuring na hampaslupa
habang sa kayamanan, tuso'y nagpapakasasa

balewala lahat ng mga natamong tagumpay
kung ginawa'y pang-aapi't di makataong tunay
may kapayapaan ba ang puso nilang namatay
gayong wala na silang dangal doon man sa hukay

- gregbituinjr.

Biyernes, Setyembre 20, 2019

Winawasak ng kapitalismo ang ating mundo

winawasak ng kapitalismo ang ating mundo
sinisira nito ang ating buong pagkatao
nilalason ang sakahan sa pagmimina nito
kabundukan natin ay tuluyan nang kinakalbo

para sa higit na tubo'y wasak ang kalikasan
todo-todong pinipiga ang ating likasyaman
ginagawang subdibisyon ang maraming sakahan
ginawang troso ang mga puno sa kagubatan

dahil sa plantang coal, mundo'y patuloy sa pag-init
tataas ang sukat ng dagat, mundo'y nasa bingit
tipak ng yelo'y matutunaw, delubyo'y sasapit
kapitalista'y walang pakialam, anong lupit

di lamang sobrang pinipiga ang lakas-paggawâ
ng manggagawa, kundi kalikasa'y sinisirà
lupa'y hinukay sa ginto't pilak, at ang masamâ
katutubo pa'y napalayas sa sariling lupà

mula nang Rebolusyong Industriyal ay bumilis
ang sinasabing pag-unlad na sa tao'y tumiris
pati mga lupa'y pinaimpis nang pinaimpis
upang makuha lamang ang hilaw na materyales

likasyaman ay hinuthot nang gumanda ang buhay
maling pagtingin sa kaunlaran ang ating taglay
imbes umunlad ang tao'y pinaunlad ang bagay
bansa'y umasenso pag maraming gusali't tulay

ang mineral sa ilalim ng lupa'y nauubos
ngunit imbes umunlad, ang bayan pa'y kinakapos
dahil sa nangyayari'y dapat tayong magsikilos
pangwawasak ng kapitalismo'y dapat matapos

sa kabila nito, may pag-asa pang natatanaw
sa nalalabing oras, kumilos ng tamang galaw
mulatin ang sambayanan, kaya ating isigaw:
"Ibasura ang kapitalismo! Climate Justice Now!"

- gregbituinjr.
* nilikha at binasa ng makata sa harap ng maraming tao sa programa ng Global Climate Strike, na ginanap sa Liwasang Aurora, Quezon City Memorial circle, Setyembre 20, 2019.






Miyerkules, Setyembre 18, 2019

Hardliner na tibak

anila, isa raw akong hardliner sa pagkilos
matinding manindigan laban sa pambubusabos
prinsipyado upang labanan ang paghihikahos
ng kapwa dukha, pagiging tibak ko'y nilulubos

tunay, hardliner ako dahil nais kong magwagi
ang sosyalismong adhika laban sa naghahari
hardliner ako laban sa pribadong pag-aari
na instrumento ng mapang-api't mapang-aglahi

hardliner ako't di ko ito ikinakaila
pagkat mithing itayo ang lipunang manggagawa
na babakahin din ang kapitalistang kuhila
dahil mapagsamantala't dukha'y kinakawawa

tandaan mo, hardliner ako hanggang kamatayan
na sa pagkilos ko'y di mo ako mapipigilan
sa pakikibaka ang buhay ko na'y inilaan
upang baguhin ang sistema't ang buong lipunan

- gregbituinjr.

Sabado, Setyembre 14, 2019

Pagpupugay sa ika-26 anibersaryo ng BMP

taas-kamaong pagpupugay sa anibersaryo
ng ating Bukluran ng Manggagawang Pilipino
o BMP - samahan ng sosyalistang obrero
na itinataguyod ang kapakanan ng tao

mabuhay kayo! mga kasama ko sa BMP
halina't sa obrero'y patuloy tayong magsilbi

magpalakas pa tayo't tiyaking nagkakaisa
ang mga manggagawa sa bawat pakikibaka
tungo sa adhikaing pagbabago ng sistema
at pagtatayo natin ng lipunang sosyalista

mga kasama sa BMP, mabuhay! mabuhay!
kapitbisig hanggang laban ay maipagtagumpay!

ito mang dagat ng pakikibaka'y anong lalim
may natatanaw na pag-asa kahit naninindim
ang BMP ang liwanag sa pusikit na dilim
sa matinding sikat ng araw ay punong malilim

- gregbituinjr.

Linggo, Abril 7, 2019

Nakalimutan nilang tao rin ang manggagawa

NAKALIMUTAN NILANG TAO RIN ANG MANGGAGAWA

may mag-asawang nangarap na kumita ng todo
naipong pera nila'y pinuhunan sa negosyo
may makina'y dalawa lang silang nagpapatakbo
at naisipan nilang dapat magdagdag ng tao
kaya agad silang nangalap ng mga obrero

at maraming manggagawa ang kanilang kinuha
upang magtrabaho't mapalago ang kanilang kita
tingin nila, manggagawa'y ekstensyon ng makina
na anumang oras ay gagawin ang nais nila
di pwedeng umangal pagkat sinasahuran sila

hanggang pabrika'y lumago sa tagal ng panahon
dahil sa manggagawang masisipag, nakaahon
pinauso pa ang salot na kontraktwalisasyon
trabaho'y limang buwan lang, ganito taun-taon
bagamat may obrerong na-regular din paglaon

ngunit tingin ng obrero, sahod nila'y kayliit
walang proteksyon sa pagawaan, napakainit
di bayad ang obertaym, ang sweldo pa'y naiipit
nagtayo sila ng unyon laban sa panggigipit
ang mag-asawang may-ari ng pabrika'y nagalit

nais ng may-aring mga unyunista'y masipa
kahit higit sampung taon sa trabaho'y mawala
nais nilang manggagawa sa hirap ay dumapa
nakalimutan nilang tao rin ang manggagawa
humihinga, napapagod, may pamilya, may luha

madalas maraming pagsisikap ang gumuguho
pagkat magpakatao'y nalimot dahil sa tubo
ganyan ang sistemang kapitalismo, walang puso
sa ganyang kalagayan, obrero'y dapat mahango
at bulok na sistema'y mapalitan, maigupo

- gregbituinjr.