Sabado, Setyembre 28, 2019

Di maaaring buhay nati'y laging nasa piging

di maaaring buhay nati'y laging nasa piging
dahil tayo'y tagumpay sa ating napiling sining
na pulos ginto't mayayaman ang laging kapiling
ang luho'y balewala sa ating burol at libing

kung yumaman ka lang dahil sa pagsasamantala
ano ka? walang budhing mapang-api't mapangdusta?
binarat ang sahod ng manggagawa sa pabrika
pinagtrabaho ang obrero tulad ng makina

dahil sa pribadong pag-aari'y binalewala
ang pagpapakatao't pakikitungo sa madla
masisipag na dukha'y tinuring na hampaslupa
habang sa kayamanan, tuso'y nagpapakasasa

balewala lahat ng mga natamong tagumpay
kung ginawa'y pang-aapi't di makataong tunay
may kapayapaan ba ang puso nilang namatay
gayong wala na silang dangal doon man sa hukay

- gregbituinjr.

Biyernes, Setyembre 20, 2019

Winawasak ng kapitalismo ang ating mundo

winawasak ng kapitalismo ang ating mundo
sinisira nito ang ating buong pagkatao
nilalason ang sakahan sa pagmimina nito
kabundukan natin ay tuluyan nang kinakalbo

para sa higit na tubo'y wasak ang kalikasan
todo-todong pinipiga ang ating likasyaman
ginagawang subdibisyon ang maraming sakahan
ginawang troso ang mga puno sa kagubatan

dahil sa plantang coal, mundo'y patuloy sa pag-init
tataas ang sukat ng dagat, mundo'y nasa bingit
tipak ng yelo'y matutunaw, delubyo'y sasapit
kapitalista'y walang pakialam, anong lupit

di lamang sobrang pinipiga ang lakas-paggawâ
ng manggagawa, kundi kalikasa'y sinisirà
lupa'y hinukay sa ginto't pilak, at ang masamâ
katutubo pa'y napalayas sa sariling lupà

mula nang Rebolusyong Industriyal ay bumilis
ang sinasabing pag-unlad na sa tao'y tumiris
pati mga lupa'y pinaimpis nang pinaimpis
upang makuha lamang ang hilaw na materyales

likasyaman ay hinuthot nang gumanda ang buhay
maling pagtingin sa kaunlaran ang ating taglay
imbes umunlad ang tao'y pinaunlad ang bagay
bansa'y umasenso pag maraming gusali't tulay

ang mineral sa ilalim ng lupa'y nauubos
ngunit imbes umunlad, ang bayan pa'y kinakapos
dahil sa nangyayari'y dapat tayong magsikilos
pangwawasak ng kapitalismo'y dapat matapos

sa kabila nito, may pag-asa pang natatanaw
sa nalalabing oras, kumilos ng tamang galaw
mulatin ang sambayanan, kaya ating isigaw:
"Ibasura ang kapitalismo! Climate Justice Now!"

- gregbituinjr.
* nilikha at binasa ng makata sa harap ng maraming tao sa programa ng Global Climate Strike, na ginanap sa Liwasang Aurora, Quezon City Memorial circle, Setyembre 20, 2019.






Miyerkules, Setyembre 18, 2019

Hardliner na tibak

anila, isa raw akong hardliner sa pagkilos
matinding manindigan laban sa pambubusabos
prinsipyado upang labanan ang paghihikahos
ng kapwa dukha, pagiging tibak ko'y nilulubos

tunay, hardliner ako dahil nais kong magwagi
ang sosyalismong adhika laban sa naghahari
hardliner ako laban sa pribadong pag-aari
na instrumento ng mapang-api't mapang-aglahi

hardliner ako't di ko ito ikinakaila
pagkat mithing itayo ang lipunang manggagawa
na babakahin din ang kapitalistang kuhila
dahil mapagsamantala't dukha'y kinakawawa

tandaan mo, hardliner ako hanggang kamatayan
na sa pagkilos ko'y di mo ako mapipigilan
sa pakikibaka ang buhay ko na'y inilaan
upang baguhin ang sistema't ang buong lipunan

- gregbituinjr.

Sabado, Setyembre 14, 2019

Pagpupugay sa ika-26 anibersaryo ng BMP

taas-kamaong pagpupugay sa anibersaryo
ng ating Bukluran ng Manggagawang Pilipino
o BMP - samahan ng sosyalistang obrero
na itinataguyod ang kapakanan ng tao

mabuhay kayo! mga kasama ko sa BMP
halina't sa obrero'y patuloy tayong magsilbi

magpalakas pa tayo't tiyaking nagkakaisa
ang mga manggagawa sa bawat pakikibaka
tungo sa adhikaing pagbabago ng sistema
at pagtatayo natin ng lipunang sosyalista

mga kasama sa BMP, mabuhay! mabuhay!
kapitbisig hanggang laban ay maipagtagumpay!

ito mang dagat ng pakikibaka'y anong lalim
may natatanaw na pag-asa kahit naninindim
ang BMP ang liwanag sa pusikit na dilim
sa matinding sikat ng araw ay punong malilim

- gregbituinjr.