Linggo, Nobyembre 7, 2021

Kartilya

KARTILYA

dinaraos tuwing ikapito ng bawat buwan,
ikapito ng gabi, pulong na makasaysayan
doon binabasa ang Kartilya ng Katipunan
sa isang seremonyang talaga namang dibdiban

tulad ng petsa ngayon, ikapito ng Nobyembre
na dinaraos kahit nasa malayo man kami
sumabay man sa Dakilang Rebolusyong Oktubre 
ikasandaang apat na anibersaryo nire

maraming salamat sa pangkat ng Kamalaysayan
o Kaisahan sa Kamalayan sa Kasaysayan
na tuwing sumasapit ang ikapito ng buwan
ay sinasariwa ang Kartilya ng Katipunan

ito'y Kartilyang patnubay sa pagpapakatao
pawang inaaral bago maging Katipunero
sinulat, pinagtibay, pinalaganap sa tao
nina Gat Andres Bonifacio't Emilio Jacinto

higit dalawang dekada ko nang sinasabuhay
ang Kartilyang itong sadyang isinapusong tunay
nakikibaka, maralita't obrero'y karamay
halina't itaguyod sa madla ang gintong gabay

- gregoriovbituinjr.
11.07.2021

Sahod

SAHOD

isinusulat kong pataludtod
ang nakakaawa nilang sahod
parang hinihintay sa alulod
patak ng kanilang paglilingkod

pag paksa'y ganyang nakakaluhâ
pagtula'y di na nakakatuwâ
ngunit may tungkulin ang makatâ
na masa'y ipagtanggol sa tulâ

kahit makata'y di mapalagay
bawat isyu'y unawaing tunay
kalutasang dapat matalakay
sahod at lakas-paggawa'y pantay

paano ang dapat nilang gawin
upang mga ito'y pagpantayin
pagkat iyon ang dapat tanggapin
nilang mga sahurang alipin

dapat ay makatarungang sahod
para sa obrerong naglilingkod
makatarungan, pantay na sahod
upang di na sila manikluhod

sa produktong kanilang nalikha
may kapantay na lakas-paggawa
subalit di mabayarang tama
bigay lang ay sahod na kaybaba

negosyo raw kasi ay babagsak
kahit sila'y tumubo ng limpak
obrero'y gumapang man sa lusak
di ibibigay ang sweldong tumpak

anang isang namimilosopo
subukan mo kayang magnegosyo
upang ang ganito'y malaman mo
bakit dapat baratin ang sweldo

at di dapat bayaran ng tama
iyang kanilang lakas-paggawa
baka malaking kita'y mawala
kung ibibigay sa manggagawa

ganyan pag nabisto ang mahika
nitong sistemang kapitalista
kaya manggagawa, magkaisa
baguhin ang bulok na sistema

- gregoriovbituinjr.
11.07.2021
(Kinatha kasabay ng ika-104 anibersaryo ng Dakilang Rebolusyong Oktubre)

Lunes, Nobyembre 1, 2021

Pagkatao

PAGKATAO

payo sa akin nga'y huwag laging nakatunganga
sa kawalan kahit isang masipag na makata
makihalubilo pa rin sa mga maralita
at makipagkapitbisig pa rin sa manggagawa

dapat nang asikasuhan ang anumang naiwang
tungkulin at gawaing sa balikat nakaatang
di dapat kalimutang isang tibak na Spartan
at organisador ng makauring tunggalian

magpalakas ng katawan, muling magbalik-aral
upang sa sagupaan ay di agad matigagal
lalo't buhay ay dedikado sa pagiging kawal
ng kilusang paggawa, kaya huwag hinihingal

di dapat mawala ang ugnay sa sariling uri
bilang proletaryadong may adhikain at mithi
bilang makata'y isulat bawat isyu't tunggali
hanggang mithing lipunang makatao'y ipagwagi

- gregoriovbituinjr.
11.01.2021