Martes, Hulyo 19, 2022

Ipipinta ko

IPIPINTA KO

kung tutularan ko si Da Vinci
aking gagawing kawili-wili
ang mga tula kong hinahabi
upang ihandog sa kinakasi

kung tutulara'y si Van Gogh naman
ilalarawan ko ang lipunan
ng laksang dukha't mayamang ilan
patungo sa pagbabagong asam

ako'y ipinanganak ni Inay
nang si Marcel Duchamp ay namatay
pintor siyang kaygaling ng kamay
Oktubre Dos, kami'y nagkasabay
siya'y nawala, ako'y nabuhay

aking ipipinta sa salita
ang asam ng uring manggagawa
aking ipipinta sa kataga
ang kalikasan, gubat at sigwa

ipipinta'y adhika't pangarap
pawis at amoy na nalalanghap
ipipinta sa kapwa mahirap
ang ginhawang dapat nalalasap

- gregoriovbituinjr.
07.19.2022

Huwebes, Hulyo 14, 2022

Bakit dapat natin tutulan ang PAREX?

BAKIT DAPAT NATIN TUTULAN ANG PAREX (PASIG RIVER EXPRESSWAY)?

Habang rumaragasa ang COVID-19 sa nakalipas na dalawang taon, naging abala ang San Miguel Corporation (SMC) Infrastructure sa pagtulak ng dambuhalang proyektong sa wari nito ay paiikliin ang biyahe mula Manila hanggang Rizal sa loob ng 15 minuto. Magsisilbi rin umano itong ugnay ng hilaga at timog na lalong magpapabilis sa mga biyahe sa mga lugar dito. Ang proyektong ito ay ang Pasig River Expressway Project o PAREX. Babaybayin nito ang 19.37 kilometrong kahabaan ng Ilog Pasig na tatagos sa mga siyudad ng Maynila, Mandaluyong, Makati, Pasig at Taguig. Pero ang PAREX ay hindi lamang usaping trapiko. Maaaring magdulot ito ng panandaliang tugon sa problema sa trapiko pero sa huli mas lalamang ang perwisyong dulot ng PAREX kaysa benepisyo.

MGA DAHILAN

1. DEMOLISYON AT SAPILITANG PAGLIKAS. Upang itayo ang PAREX, kakailanganin nitong matiyak ang akses ng mga eksipo (equipment). Nanganganib ang mga komunidad maralita na maaaring tukuying daanan para sa mga kasangkapan sa pagtatayo ng expressway. Demolisyon at sapilitang paglilikas ang ibig sabihin nito. Marami sa mga komunidad maralita ang matatagpuan sa kahabaan ng Ilog Pasig.

2. PAGPATAY SA ILOG PASIG. Ilang dekada na ang tinagal ng mga insiyatiba para buhayin ang Ilog Pasig mula pa sa panahon ni dating pangulong Fidel V. Ramos hanggang sa kasalukuyan. Bagaman malaki-laki pa ang kailangang gawin, malayo na ang inunlad ng pagpapasigla ng Ilog Pasig. Tatabunan ng PAREX ang Ilog Pasig sa kahabaan kung saan ito itatayo. Maaari itong ikamatay ng mga halaman at hayop dahil sa pagkawala ng init mula sa araw. Magsasagawa din ng dredging ang SMC na tinuring na paglilinis ng ilog. Bukod sa wawasakin ang mga lamang tubig dahil sa dredging, malaking katanungan kung saan iimbakin at itatapon ang mahigit 54,000 toneladang dredge materials.

3. PAGLALA NG POLUSYON. Taliwas sa sinasabi ng SMC Infractructure, hindi bababa ang pagbuga ng maruruming hangin tulad ng carbon dioxide kapag naitayo ang PAREX. Bagkus, dahil sa pagdagsa ng mga sasakyan ay lalala ang polusyon sa hangin. Lubhang peligroso ito sa mga kabahayan at komunidad na katabi ng itatayong expressway. Bukod sa usok, isang problema rin ang ingay o noise pollution.

4. PAGLALA NG GHG EMISSIONS, PAGLALA NG KRISIS SA KLIMA. Sa sariling pagtaya ng SMC, aabot sa 63,000 tonelada ang ibubugang carbon dioxide sa pagtatayo pa lang ng PAREX. Mas tataas pa ito kapag dinagsa at dinaanan na ito ng libu-libong sasakyan. Ang sobra-sobrang konsentrasyon ng carbon dioxide sa himpapawid ay pangunahing dahilan ng pag-init ng planeta o global warming, Mababalewala ang pagsusumikap ng kapwa pambansa at lokal na pamahalaan na pababain ang greenhouse gas emissions (GHG) dahil sa mga proyektong tulad ng PAREX.

5. PELIGROSO SA LINDOL. Sa sariling pag-aaral ng SMC, hindi nito matiyak ang kaligtasan ng mga dadaan sa PAREX kapag tumama ang malakas na lindol tulad noong Intensity IX 1968 Casiguran Earthquake at 1990 Luzon Earthquake. Itatayo ang PAREX sa liquefaction hazard area o lugar na malambot o lumalambot ang lupa. Wala mang lindol, peligroso ang PAREX dahil sa mismong pagtatayuan nito.

6. WAWASAKIN ANG MGA MAKASAYSAYANG GUSALI. Mismo ang SMC ang nagtukoy na may 15 historical sites ang nasa loob ng 1 km radius ng PAREX pero hindi nito binabanggit alin dito ang direktang tatamaan. May tatlong historical sites ang dadaanan ng PAREX, hindi kasama rito ang Intramuros na nasa ruta rin ng proyekto.

7. PAGLABAG SA PHILIPPINE ENVIRONMENT IMPACT STATEMENT (EIS) SYSTEM. Depektibo at kapos ang environmental impact statement (EIS) na ginawa ng San Miguel Corporation para sa PAREX. Imbes na maglinaw kung paano tutugunan ang nakikitang epekto ng PAREX sa kalikasan at komunidad, mas maraming isyu ang hindi nasasagot tulad ng usapin ng lindol, pagbaha, alikabok, epekto sa Ilog Pasig, atbp. Bukod sa laman ng EIS, depektibo rin ang naging proseso na magtitiyak ng makabuluhang paglahok ng mga stakeholders halimbawa na dito ang ginawang online public hearing kung saan naka-mute ang mga participants at walang opsyon na makapagpahayag ng saloobin dahil "disabled" ang chatbox.

* MAY ALTERNATIBA. Hindi totoo na walang alternatiba at ang tanging pagtatayo lamang ng PAREX ang solusyon nila sa problema sa trapiko. Ilan sa mga alterbatiba ay ang pagpapaunlad at pagpapalawig ng Pasig Watercraft Transport, pagpapaunlad ng public transport system sa Metro Manila, kasama na yung mga railway system at pagtatayo ng 20-kilometrong bike route sa tabi ng Ilog Pasig.

Philippine Movement for Climate Justice (PMCJ)

Linggo, Hulyo 3, 2022

Himagsikang panlipunan

HIMAGSIKANG PANLIPUNAN
Pinagmulan: Eugène Pottier, Chants Révolutionnaires (ikalawang edisyon), Paris, Bureau de Comité Pottier, [n.d.] ;
Isinalin mula Pranses ni Mitchell Abidor;
CopyLeft: Creative Commons (Attribute & ShareAlike) marxists.org 2018.
Malayang salin mula sa Ingles ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

Nakita nang lumitaw ang dambuhalang halimaw,
Ang malalaking kilabot at ang mga bagito,
Ang mga heneral pati ang mga kaparian
Lahat sila’y nangatal: ang sandal na’y dumatal!

Dinagundong ng lintik yaong mata’t angking bisig,
Hindi palihim na kumikilos yaong Paggawa:
Kumikilos  iyon at gumagana nang hayagan
At nag-oorganisa nang walang sinumang amo!

Anila: “Sa daigdig at sa mga bunga nito,
Sa mga kasangkapan at lahat ng nalilikha,
Nilahad mo ang iyong kamay: isuko mo sila!"

"At dumating kayo, na nakamamatay na multo
Upang makibahagi lang ba sa pamumuhunan?"
"Upang ipamahagi? Hindi! Upang kunin lahat!

sa Manchester noong 1881

* Isinalin noong Hulyo 3, 2022
* Litrato mula sa google
* Talasalitaan
dambuhala - salin ng great, imbes na dakila
halimaw - salin ng colossus, imbes na higante o malaki
bagito – salin ng parvenus

SOCIAL REVOLUTION 
Source: Eugène Pottier, Chants Révolutionnaires (second edition), Paris, Bureau de Comité Pottier, [n.d.] ;
Translated: by Mitchell Abidor;
CopyLeft: Creative Commons (Attribute & ShareAlike) marxists.org 2018.

Seeing the great colossus appear,
The big shots and the parvenus,
The generals and priests
All of them are trembling: the moment has arrived!

Thunder bolt eyes and bare arms,
Labor doesn’t act in secret:
It works openly
And will organize without master!

It says: “On the globe and its fruits,
On tools and all produced,
You laid your hands: give them up!”

“And so you come, fatal specter
To share in capital?"
"To share it? No! To take it all!

Manchester 1881

Hiyaw upang maningil

HIYAW UPANG MANINGIL!
Tula ni Vladimir Mayakovsky 
Isinalin sa Ingles ni Lika Galkina kasama si Jasper Goss, 2005.
Malayang salin sa wikang Filipino ni Gregorio V. Bituin Jr.

Ang gardang ng digmaan ay dumadagundong ng dumadagundong.
Inihihiyaw nito: itulak ang bakal sa mga buhay.
Mula sa bawat bansa
alipin sa alipin
na itinapon sa bayonetang bakal.
Para sa kapakanan ng ano?
Nayayanig ang lupa
sa gutom
at hinubaran.
Sumisingaw ang sangkatauhan sa dugong nagsidanak
kaya lang
sinuman
saanman 
ay maaaring makaapak sa Albania.
Mga pulutong ng taong gapos sa masamang hangarin,
yaong upak nang upak sa mundo
para lamang
sa sinumang ang sinasakyan
ay makadaan nang walang bayad
sa pamamagitan ng Bosporus.
Nalalapit na
ang daigdig
ay hindi magkakaroon ng tadyang na buo.
At ang diwa nito’y bububutin.
At tatapak-tapakan
para lang sa sinuman,
ilalatag
ang kanilang kamay
sa Mesopotamia.
Bakit nangyaring 
isang bota
ang bumagsak sa Daigdig — bitak at magaspang?
Ano ang nasa itaas ng labanan sa alapaan -
Kalayaan?
Bathala?
Salapi!
Kailan ka titindig ng buo mong taas,
ikaw,
na inalay ang buhay mo sa kanila?
Kailan ka magbabato ng tanong sa kanilang mukha:
Bakit tayo naglalabanan?

* Talasalitaan
gardang – salitang Ilokano ng tambol, ang tambol naman ay mula sa wikang Espanyol na tambor

* Isinalin noong ikatlo ng Hulyo, 2022
* Litrato mula sa google

CALL TO ACCOUNT!
by Vladimir Mayakovsky
translated by Lika Galkina with Jasper Goss, 2005.

The drum of war thunders and thunders.
It calls: thrust iron into the living.
From every country
slave after slave
are thrown onto bayonet steel.
For the sake of what?
The earth shivers
hungry
and stripped.
Mankind is vapourised in a blood bath
only so
someone
somewhere
can get hold of Albania.
Human gangs bound in malice,
blow after blow strikes the world
only for
someone’s vessels
to pass without charge
through the Bosporus.
Soon
the world
won’t have a rib intact.
And its soul will be pulled out.
And trampled down
only for someone,
to lay
their hands on
Mesopotamia.
Why does
a boot
crush the Earth — fissured and rough?
What is above the battles’ sky -
Freedom?
God?
Money!
When will you stand to your full height,
you,
giving them your life?
When will you hurl a question to their faces:
Why are we fighting?