Miyerkules, Marso 29, 2023

Ka Jimmy Tadeo

KA JIMMY TADEO

anim kaming nakiramay mula sa Ex-D
at umawit bilang parangal kay Ka Jimmy
ng kantang "Detenido" para sa bayani
ng magsasaka, nakiramay nga'y kayrami

sa sasakyan pa lamang patungo sa sadya
munting kwaderno'y kinuha ko't nakagawa
ng dalawang taludtod ng alay na tula
na binigkas ko roon sa harap ng madla:

"Si Ka Jimmy Tadeo, lider-magbubukid
pangarap niya'y paglayang dapat mabatid
paglaya sa hirap na sa atin binulid
ng uring mapang-aping dusa ang hinatid

pagbabago ng sistema'y kanyang adhika
na sa kanya'y isang pangarap na dakila
pagpupugay, Ka Jimmy, ikaw ma'y nawala
ay mananatiling buhay ang iyong diwa"

bertdey din pala niya ang araw na iyon
nang luksang parangal ay idinaos doon
Ka Jimmy, pamana mong diwa'y aming baon
tungo sa lipunang asam at nilalayon

- gregoriovbituinjr.
03.29.2023

* salamat sa kumuha ng litrato na ibinahagi sa Ex-D

Lunes, Marso 27, 2023

Heroes Street

HEROES STREET
(LANSANGAN NG MGA BAYANI)

nasa gilid lang ng Bantayog ng mga Bayani
ang Heroes Street o Lansangan ng mga Bayani
para kang tumapak sa tinapakan ng bayani
bagamat di mo iniisip magpakabayani

di iyon mataong lugar, gayong may tao naman
di tulad ng Monumento doon sa Caloocan
o sa Luneta sa lungsod, ang dating Bagumbayan
gitna ng Centris at Bantayog ang maikling daan

Heroes Street, lansangan ng lumaban sa marsyalo
sa Bantayog ng mga Bayani'y naukit dito
ang ngalan ng mga biktima, desaparesido,
mga bayani noong nakipaglabang totoo

ah, minsan kaya'y dumaan ka rin sa Heroes Street
sa Quezon Avenue M.R.T. station malapit
at damhin ang lugar pati kasaysayang kaypait
na idinulot ng diktadurang tigib ng lupit

- gregoriovbituinjr.
03.27.2023

Miyerkules, Marso 22, 2023

Pahalagahan ang tubig

PAHALAGAHAN ANG TUBIG
(Marso 22 - World Water Day)

pinagsamang hydrogen at oxygen
ang karaniwang iniinom natin
at napuno rin ng tubig ang ating
katawan kaya tayo'y malakas din

kung walang tubig, saan patutungo
tiyak di tayo makakapaligo
at di rin tayo makakapagluto
baka wala tayo rito't naglaho

kaytindi ng oil spill sa Mindoro
saribuhay at tao'y apektado
karagatan ay nasirang totoo
may dapat talagang managot dito

di sagot ang proyektong Kaliwa Dam
para sa tubig ng Kamaynilaan
dahil mawawasak ang kabundukan
pati na lupang kanunu-nunuan

huwag gawing basurahan ang ilog,
sapa, lawa't katubigang kanugnog
dahil tubig ay búhay, umiinog
tubig ay buháy, sa atin ay handog

dinggin natin ang lagaslas ng tubig
damhin mo ang pagluha niya't tinig
palahaw niya't atin bang narinig
siya'y dinumhan, siya'y nabibikig

sa World Water Day ay ipanawagan
tubig ay dapat nating ipaglaban
huwag dumihan, huwag pagtapunan
at huwag gamitin sa kasakiman

- gregoriovbituinjr.
03.22.2023

Linggo, Marso 12, 2023

Para kanino nga ba ang pag-unlad?

PARA KANINO NGA BA ANG PAG-UNLAD?

"Hindi nga masama ang pag-unlad
Kung hindi nakakasira ng kalikasan"
- mula sa walang kamatayang awiting Masdan Mo Ang Kapaligiran ng bandang ASIN

patuloy ang kaunlaran ng ating kabihasnan
mga gusali't kondominyum ay nagtatayugan
mga bagong tulay na ginawa'y naghahabaan
habang pinapatag naman ang mga kabundukan

ginamit ang fossil fuel para raw sa pag-unlad
sangkaterbang coal plants pa ang itinayo't hinangad
kinalbong bundok at gubat ay talagang nalantad
habang buhay ng tao'y patuloy na sumasadsad

sinemento ang mga bakong lansangan sa lungsod
pati mga daan upang maging farm-to-market road
ang mga tiwangwang na lupa'y nilagyan ng bakod
bumundat ang kapitalistang nambarat sa sahod!

lumikha ng mga eroplano't barkong pandigma
nagpataasan ng ihi ang iba't ibang bansa
sinugod pa ng Rusya ang Ukraine, nakakabigla
sa isyung klima, Annex 1 countries ang nagpalala

di raw masama ang pag-unlad, lagi nilang sambit
kung di sisira sa kalikasan, dagdag ng awit
pag-unlad ba'y para kanino? tanong na malimit
para sa iilan? di kasama ang maliliit?

- gregoriovbituinjr.
03.12.2023