Lunes, Mayo 27, 2024

Pagkilos laban sa ChaCha

PAGKILOS LABAN SA CHACHA

sa rali ako'y sumama
na panawagan sa masa:
Manggagawa, Magkaisa!
Labanan ang Elitista
at Kapitalistang ChaCha

sa guro'y nakinig ako
sa pagtalakay ng isyu
laban sa ChaCha ng dayo
at ChaCha rin ng Pangulo
na masa ang apektado

guro naming naririyan
ay lider-kababaihan
lider obrerong palaban
lider-dukha, kabataan
lider-tsuper, sambayanan

ang ChaCha'y kasumpa-sumpa
nais ng trapo't kuhila
na ibenta sa banyaga
ng sandaang porsyento nga
ang edukasyon at lupa

trapong sugapa sa tubo
ang sa ChaCha'y namumuno
dapat lang silang masugpo
ang bayan na'y punong-puno
sa mga trapong damuho

- gregoriovbituinjr.
05.27.2024

* litratong kuha ng makatang gala sa harap ng Senado, Mayo 22, 2024

Sabado, Mayo 25, 2024

Nagrali laban sa Israel, sinipa ng iskul

NAGRALI LABAN SA ISRAEL, SINIPA NG ISKUL

tama lang namang lumahok sa rali
laban sa Israel na asta'y Nazi
ngunit U.S. ito'y kinukunsinti
pinatay mang Palestino'y kayrami

ngunit na-kickout ang babaeng anak
ni Kim Atienza matapos sumabak
sa anti-Israel raling palasak
na sa mundo't lalo pang lumalawak

na-kickout ang anak ni Kim Atienza
sa University of Pennsylvania
pagkat isa sa lider si Eliana
sa higit dalawang linggong protesta

ng Gaza Solidarity Encampment
na nagsikilos sa loob ng UPenn
hustisyang panawagan nila'y dinggin:
itigil ang pagmarder sa Palestine!

tangi kong masasabi'y pagpupugay
kay Eliana na nanindigang tunay
gawain ng Israel na pagpatay
sa Palestino'y kahudasang lantay

- gregoriovbituinjr.
05.25.2024

* ulat mula sa pahayagang Abante, ika-25 ng Mayo, 2024, pahina 2

Ang laban ng tsuper

ANG LABAN NG TSUPER

ang laban ng tsuper, sabing mariin
ay laban ng konsyumer tulad natin
ang kanilang panawagan ay dinggin
at sa laban sila'y samahan natin

lalo na't tayo'y pasahero ng dyip
sa modernisasyon, sila'y nahagip
di tayo payag na ma-phase out ang dyip
na kasama na mula magkaisip

ang sabi pa, wala raw ibang ruta
kundi ang landas ng pakikibaka

sigaw nila: Prangkisa, Hindi ChaCha
sa kanila, ako'y nakikiisa

phase out ang sa kanila'y kumakatay
ngayon, mawawalan ng hanapbuhay
ang mga tsuper na di mapalagay
kaya dapat tulungan silang tunay

- gregoriovbituinjr.
05.25.2024

* litratong kuha ng makatang gala sa tarangkahan ng Senado, 05.22.2024

Biyernes, Mayo 24, 2024

Muling lumahok sa rali

MULING LUMAHOK SA RALI

muli akong nagtungo sa rali
at lumahok sa masang kayrami
dito'y pinakinggan kong mabuti
ang mga talumpati't mensahe

mga sagigilid ang kasama
manggagawa, dukha, aping masa
panawagan: Sahod, Hindi ChaCha!
Hustisyang Pangklima, Hindi Gera!

isinigaw doon sa Senado:
itaas ang sahod ng obrero!
ayaw sa isandaang porsyento
na mag-ari sa bansa ang dayo!

Climate Justice, at hindi Just-Tiis!
ang climate change ay napakabilis!
tanggalin ang mga EDCA bases!
h'wag sumali sa Gera ng U.S.!

ilan ito sa isyu ng bayan
na dapat mabigyang kalutasan
para sa makataong lipunan
para sa patas na kalakaran

- gregoriovbituinjr.
05.24.2024

* sagigilid - marginalized
* litratong kuha ng makatang gala sa harap ng Senado, 05.22.2024

Huwebes, Mayo 16, 2024

Ako'y abang makata

AKO'Y ABANG MAKATA

ako'y abang makata
tinutula'y pangmadla
para sa kapwa dukha
at uring manggagawa

adhika'y ilarawan
ang adhika sa bayan
na sa pamamagitan
ng sukat at tugmaan

ay maitataguyod
ang saknong at taludtod
na kinakathang lugod
bagamat walang sahod

makatang kapitbisig
sa dukhang di palupig
na marunong tumindig
sa wasto't nakikinig

tulad ng pangangahas
maitayo ang patas
at lipunang parehas
na puso ang nag-atas

- gregoriovbituinjr.
05.16.2024

Miyerkules, Mayo 15, 2024

Silang bumubuhay sa lipunan

SILANG BUMUBUHAY SA LIPUNAN

samutsaring manggagawa
kakarampot lang ang sahod
kung saan-saan sa bansa
makikitang todo kayod

at tunay na nagsisikap
sa trabaho'y nagpapagal
upang kamtin ang pangarap
na anak ay mapag-aral

sweldo man nila'y kaunti
malaki ang ambag nila
upang bansa'y manatili't
lumago ang ekonomya

tanging nais kong sabihin
obrero ang bumubuhay
sa bansa't sa mundo natin
sa kanila'y pagpupugay!

- gregoriovbituinjr.
05.15.2024

Sabado, Mayo 11, 2024

Ako man ay maglulupa

AKO MAN AY MAGLULUPA

ako man ay maglulupa
at naritong laging handa
tinatahak man ay sigwa
patuloy lang sa adhika

asam na lipunang patas
araw-gabi'y binabagtas
itayo'y malayang bukas
na lahat pumaparehas

ang laging nasa isipan
ay kalayaan ng bayan
mula sa tuso't gahamang
kapitalista't iilan

malayo ma'y lalakarin
upang tupdin ang mithiin
ang nakatakdang aralin
ay taimtim na gagawin

tinatahak nami'y wasto
habang nagpapakatao
na itatayong totoo
ay lipunang makatao

- gregoriovbituinjr.
05.11.2024

Biyernes, Mayo 10, 2024

Banta sa buhay ang redtagging, ayon sa SC

BANTA SA BUHAY ANG REDTAGGING, AYON SA SC

sa inilabas na desisyon ng Korte Suprema
nitong Mayo Otso, redtagging ay banta talaga
sa buhay, kalayaan at kaligtasan ng masa
pati sa kagaya kong nakikibakang aktibista

nais ng aktibista'y isang malayang lipunan
na di naghahari sa bansa ang tuso't gahaman
di namamayagpag ang dinastiya ng iilan
nais nami'y patas, parehas, pantay na lipunan

dahil ayaw ng elitistang mawala't tanggalin
kaya pinauso nila ang sistemang redtagging
ayaw ng kapitalistang ang karapatan natin
sa pabrika, sa eskwela, saanman, kilalanin

kumilos kami para sa karapatang pantao
laban sa pagsasamantala ng tao sa tao
itatayo namin ay isang lipunang makatao
na walang hari batay sa pag-aaring pribado

salamat sa Korte Suprema sa inyong desisyon
na redtagging sa buhay ng masa'y nakalalason
patuloy lang kami sa makatao naming misyon
na sistemang bulok ay pawiin sa ating nasyon

- gregoriovbituinjr.
05.10.2024

* litrato mula sa ulat sa google

Huwebes, Mayo 9, 2024

Magkaisa laban sa ChaCha ng elitista't dayuhan

MAGKAISA LABAN SA CHACHA NG ELITISTA'T DAYUHAN

nagrali muli sa harapan ng Senado
upang ang Charter Change ay tutulang totoo
banta iyang ChaCha ng elitista't dayo
sa kasarinlan, sa bayan at sa obrero

mga trapong elit ang nakaupo ngayon
sa iba't iba't matataas na posisyon
nais nilang distrungkahin ang Konstitusyon
para sa elitista't dayong korporasyon

nais nilang dayo'y mag-ari ng lupain,
masmidya, pampublikong serbisyo'y ariin
pati termino'y nais nilang palawigin
kaya ang bantayan sila'y ating tungkulin

tutulan, labanan, huwag pahintulutan
sandaang porsyento'y ariin ng dayuhan
magkaisa na laban sa mga gahaman
na iniisip ay sariling pakinabang

nagrarali kami upang isyu'y marinig
ng sambayanang tinatanggalan ng tinig
at magkaisa laban sa mapanligalig
na elitista't trapong dapat lang mausig

- gregoriovbituinjr.
05.09.2024

* salamat sa mga kasamang kumuha ng litrato
* kuha sa harap ng Senado

Martes, Mayo 7, 2024

Tanaga sa baybayin

TANAGA SA BAYBAYIN
(sinubukan po ng inyong lingkod na sulatin sa baybayin ang sumusunod na tanaga)

pulitikong gahaman
ay bentador ng bayan
huwag pagtiwalaan
ng boto sa halalan

- gregoriovbituinjr.
05.07.2024

* ang tanaga ay tulang katutubo na may isang saknong at may tugma at sukat na pitong pantig sa bawat taludtod

Linggo, Mayo 5, 2024

Maligayang ika-206 Kaarawan, Ka Karl Marx

HAPPY 206TH BIRTHDAY, KA KARL MARX

"The philosophers have only interpreted the world, in various ways. The point, however, is to change it." - Karl Marx

naglinaw ang mga palaisip
pinaliwanag lang ang daigdig
sa maraming paraan nilirip
ang punto'y baguhin ang daigdig

isa iyong kaygandang pamana
sa manggagawa't pilosopiya
baguhin ang bulok na sistema
upang hustisya'y kamtin ng masa

Karl Marx, maligayang kaarawan!
salamat sa wika mong tinuran
pamanang dapat naming gampanan
nang maging patas ang kalagayan

itayo'y sistemang makatao't
asam na lipunang sosyalismo

- gregoriovbituinjr.
05.05.2024

* litrato mula sa google

Ang kontraktwal, ayon sa editoryal ng Bulgar

ANG KONTRAKTWAL, AYON SA EDITORYAL NG BULGAR

kontraktwalisasyon nga'y talagang pahirap
sa mga manggagawang lagi nang kontraktwal
mga nangangasiwa'y sadyang mapagpanggap
dahil obrero'y ayaw nilang maregular

sa dyaryong Bulgar, editoryal nila ngayon
na kontaktwal ay tutulungan ng gobyerno
obrerong naglingkod ng higit sampung taon
sa gobyerno'y mareregular nang totoo

dapat may career service eligibility
at dapat ipasa ang civil service exam
at may mataas na puntos ang aplikante
nang sila'y maging Civil Service Professional

paano yaong nasa pribadong kumpanya
na kayrami ring kontraktwal na manggagawa
na kung nakaanim na buwan sa pabrika
ay dapat regular na ngunit  di magawa

anang editoryal, sana'y di ito budol 
dahil tulong na sa kontraktwal na kawani
tanggalin ang salot na kontraktwalisasyon
upang sa manggagawa'y tunay na magsilbi

- gregoriovbituinjr.
05.05.2024

* tula batay sa editoryal ng pahayagang Bulgar, ika-5 ng Mayo, 2024, pahina 4    

Retirement pay, nakuha matapos ang mahigit dalawang dekada

RETIREMENT PAY, NAKUHA MATAPOS ANG MAHIGIT DALAWANG DEKADA

tila obrero'y kaaba-aba
na dalawampu't lima'y patay na
mahigit nang dalawang dekada
nang retirement pay nila'y makuha

sandaan apatnapu't lima ring
manggagawa ng IBC-13
silang naghintay nang kaytagal din
upang retirement pay nila'y kamtin

marami sa kanila'y maysakit
kaya retirement pay magagamit
lalo sa panahong sila'y gipit
pambili ng gamot, maintenance kit

bakit kaytagal nitong umusad
higit dalawang dekadang singkad
ang nakalipas bago magbayad
itong kumpanya sa komunidad

ng obrerong nagsipagretiro
na dapat mabayarang totoo
pagpupugay sa mga obrero
kaytagal man, tagumpay din ito

- gregoriovbituinjr.
05.05.2024

* ulat mula sa pahayagang Abante, ika-5 ng Mayo, 2024, pahina 2

Huwebes, Mayo 2, 2024

Kurus, at hindi krus, ang nasa tulang Manggagawa ni Jose Corazon de Jesus

KURUS, AT HINDI KRUS, ANG NASA TULANG MANGGAGAWA NI JOSE CORAZON DE JESUS
Maikling talakay ni Gregorio V. Bituin Jr.

Marami ang nagkakamali ng pagkopya sa tulang Manggagawa ni Jose Corazon de Jesus, ang dakilang makata ng ika-20 siglo, at naging Unang Hari ng Balagtasan sa bansa.

Lalo na't sasapit ang Mayo Uno, ang Pandaigdigang Araw ng Paggawa, sinisipi nila ng buo ang tulang Manggagawa, subalit nagkakamali na sila ng pagsipi sa salitang "kurus" na ginagawa nilang "krus" sa pag-aakalang mali o typo error ang pagkatipa.

Subalit kung susuriin natin ang buong tula, binubuo ito ng labing-anim na pantig bawat taludtod, na may sesura o hati sa ikawalong pantig. Kaya sa ikalabindalawang taludtod ay sakto sa ikawalong sesura ang "kurus".

hanggang hukay ay gawa mo (8 pantig)
ang kurus na nakalagay (8 pantig)

Halina't balikan natin ang nasabing tula, na nasa aklat na "Jose Corazon de Jesus: Mga Piling Tula",  Binagong Edisyon, pahina 145, na nilathala ng San Anselmo Press noong 2022.

Lagyan natin ng slash o paiwa (/) sa ikawalong pantig o sesura upang makita natin ang bilang ng mga pantig.

Manggagawa
by José Corazón de Jesús

Bawat palo ng martilyo / sa bakal mong pinapanday
alipatong nagtilamsik, / alitaptap sa kadimlan;
mga apoy ng pawis mong / sa Bakal ay kumikinang
tandang ikaw ang may gawa / nitong buong Santinakpan.
Nang tipakin mo ang bato / ay natayo ang katedral
nang pukpukin mo ang tanso / ay umugong ang batingaw,
nang lutuin mo ang pilak / ang salapi ay lumitaw,
si Puhunan ay gawa mo, / kaya ngayon'y nagyayabang.
Kung may ilaw na kumisap / ay ilaw ng iyong tadyang,
kung may gusaling naangat, / tandang ikaw ang pumasan
mula sa duyan ng bata / ay kamay mo ang gumalaw
hanggang hukay ay gawa mo / ang kurus na nakalagay.
Kaya ikaw ay marapat / dakilain at itanghal
pagkat ikaw ang yumari / nitong buong Kabihasnan.
Bawat patak ng pawis mo'y / yumayari ka ng dangal,
dinadala mo ang lahi / sa luklukan ng tagumpay.
Mabuhay ka nang buhay na / walang wakas, walang hanggan,
at hihinto ang pag-ikot / nitong mundo pag namatay.

Inulit din ng makatang Jose Corazon de Jesus sa isa pa niyang tula ang pagkakagamit sa salitang "kurus".

Sa isang mahaba at dating kalsada
ang kurus sa Mayo ay aking nakita.
O, Santa Elena!
Sa buhok, mayroong mga sampagita;
sa kamay may kurus siyang dala-dala
ubod po ng ganda.

- unang saknong ng tulang Gunita sa Nagdaang Kamusmusan mula sa aklat na Jose Corazon de Jesus: Mga Piling Tula, pahina 91

Suriin pa natin ang mga tula ng tatlo pang makatang halos kasabayan ni de Jesus, tulad nina Gat Amado V. Hernandez, na naging Pambansang Alagad ng Sining noong 1973, makatang Florentino T. Collantes, na nakalaban ni de Jesus sa unang Balagtasan noong 1924, at makatang Teo S. Baylen, sa paggamit nila ng salitang "kurus" imbes na "krus".

ANG PANAHON
ni Gat Amado V. Hernandez

Kurus na mabigat / sa ayaw magsakit
ligaya sa bawa't / bihasang gumamit;
pagka ang panaho'y / lagi nang katalik
ay susi sa madlang / gintong panaginip.

- ikawalong saknong ng 16 na saknong na tulang Ang Panahon ni Gat Amado V. Hernandez, mula sa aklat na Amado V. Hernandez: Tudla at Tudling, pahina 370

ANG LUMANG SIMBAHAN
ni Florentino T. Collantes

Sa isang maliit / at ulilang bayang
pinagtampuhan na / ng kaligayahan
ay may isang munti / at lumang simbahang
balot na ng lumot / ng kapanahunan.
Sa gawing kaliwa / may lupang tiwangwang
ginubat ng damo't / makahiyang-parang.
Sa dami ng kurus / doong nagbabantay
makikilala mong / yaon ay libingan.

- unang saknong ng 17 saknong na tulang Ang Lumang Simbahan, mula sa aklat na Ang Tulisan at Iba Pang Talinghaga ni Florentino T. Collantes, pahina 167

TATLONG KURUS SA GOLGOTA
ni Teo S. Baylen

Ikaw, ako't Siya / ang kurus sa Bundok,
Isa'y nanlilibak, / nanunumpang lubos;
Isa'y nagtitikang / matapat at taos,
At nagpapatawad / ang Ikatlong Kurus!

- mula sa aklat na Tinig ng Darating ni Teo S. Baylen, pahina 53

Marami pang makata noong panahon bago manakop ang Hapon ang sa palagay ko'y ganito nila binabaybay ang salitang "kurus". Gayunman, marahil ay sapat na ang ipinakitang halimbawa ng apat na makata upang maunawaan nating "kurus" na dalawang pantig at hindi "krus" ang pagbaybay ng mga makata noon ng salitang iyon.

Kaya napakahalagang maunawaan ng sinuman, lalo na kung kokopyahin ang mga tula ng mga sinaunang makata para ipalaganap, na may patakaran sa panulaang Pilipino na tugma't sukat (may eksaktong bilang ang bawat pantig), bukod pa sa talinghaga't indayog. Unawain natin at huwag basta baguhin ang kanilang tula dahil lang akala natin ay mali o typo error.

Lalo na pag sasapit ang Mayo Uno, ang Pandaigdigang Araw ng Paggawa, na muling inilalathala ng mga kasama sa kilusang paggawa ang tulang Manggagawa ni Jose Corazon de Jesus, sa kanilang account sa pesbuk o anumang social media.

05.02.2024

Ulat sa Mayo Uno

ULAT SA MAYO UNO

sa apat na pangmasang pahayagang binili ko
dalawa lang ang nag-ulat hinggil sa Mayo Uno
sa mga nangyaring pagkilos ng uring obrero
habang ang iba'y hinggil sa pahayag ng pangulo

pagpupugay sa mga nagsilahok kahit saglit
sa rali ng uring manggagawa kahit mainit
karapatan nila bilang obrero'y iginiit
laban sa mapagsamantalang talagang kaylupit

sigaw: Uring Manggagawa, Hukbong Mapagpalaya!
tunay na hukbong sa sistema'y nais kumawala
misyon ninyo sa daigdig ay talagang dakila
laban sa kapitalismong mapang-api't kuhila

mabuhay kayo, Manggagawa, mabuhay! Mabuhay!
sa inyo'y saludo, taaskamaong pagpupugay!

- gregoriovbituinjr.
05.02.2024

* litrato mula sa pahayagang Pilipino Star Ngayon, Mayo 2, 2024, pahina 2
* litrato mula sa pahayagang Pang-Masa, Mayo 2, 2024, pahina 2

Miyerkules, Mayo 1, 2024

Akin pang naaalala (Pasintabi kay Freddie Aguilar)

AKIN PANG NAAALALA
(pasintabi kay Freddie Aguilar)

bilin noon ni Itay
ay aking napagnilay
ngayong siya'y humimlay
at nawala nang tunay

ang sabi niya'y Greggy
mag-aral kang mabuti
tulungan ang sarili
nang buhay mo'y umigi

nagbasa ako ng aklat
upang ako'y mamulat
at naaral kong sukat
ang sistema ng salat

tanda ko ang mensahe
ng namayapang Daddy
kaya ako'y nagsilbi
sa bansa ng bayani

sa rali'y naroroon
nang gampanan ang misyon
na palitan paglaon
ang kabulukang yaon

sistema'y babaguhin
at itatayo natin
ang lipunang mithiin
sa puso'y adhikain

akin ngang naalala
ang mensahe ni Ama
kaya ako'y kasama
at naglingkod sa masa

- gregoriovbituinjr.

05.01.2024